Tuesday, October 25, 2016

My Article "Buwan ng Wika 2016"

Buwan ng Wika 2016
Filipino: Wika ng Karunungan

Sa pagpatak ng buwan ng Agosto dalawang libo labing anim ating malalanghap ang halimuyak ng isang tunay na makabayan, animo’y sampaguitang namulaklak at naghasik ng kagandahan sa mga kasiya-siyang pagdiriwang na naganap sa buong kapuluan. Ibat ibang lasa ng pagdiriwang ang sumikat sa bawat araw, oras, minuto o ultimo pitik ng mahabang kamay ng orasan; mga talentong ibinahagi, kakayahang ipinakita at talinong inilahad ng mga taong binansagang Juan Dela Cruz. Lumipad na sa kalangitan ang tatlumpung araw ng pagsasaludo at pagmamalaki sa ating inang wika noong buwan ng Agosto, mga palaisipan ang bumabalot sa pagkatao ng bawat isa, ito nga ba’y tapos na? o mayroon pang kakarampot na pagasa na gugulat sa diwa ng tunay na makabayan?. Buwan ng Agosto ika tatlumput isang araw dalawang libo labing anim, dali-daling nagising ang mga paru-paro sa karikitan ng himig na sumasayaw sa ating kalangitan, kasabay ang makulay at malapiyestang tunog na nagmumula sa isang paaralan, ang Jose C. Feliciano College Foundation. Isang panaginip sa bahaghari kung ituring ang mga nangyayari; mga tunay na makabayang Juan Dela Cruz, Crisostomo Ibarra at Maria Clara ang nagtipun-tipon upang pagsaluhan at saksihan ang nagaalab sa kulay at ganda ng isang malapiyestang pagdiriwang ng Buwan ng Wika na mayroong temang Filipino; Wika ng Karunungan.

Sa pagdako ng mga paru-paro sa piyestang dinaluhan eksaktong ala una ng hapon ang nakatala sa orasan at atin ng saksihan ang tikas at tindig ang mga indibidwal na taas noong ipinagmamalaki at binibigyang pugay ang watawat ng Pilipinas at Paaralan ng JCFC kasabay ang mga tinig sa pagawit sa Lupang Hinirang kasunod ang tinig sa pagbibigay respeto sa Himno ng Jose C. Feliciano College Foundation at ang makabagbag damdaming pagdarasal na gumimbal sa ating mga puso. Isang pelikula kung ihambing ang ating makulay at malapiyestang pagdiriwang, tayo’y umupo at kumapit ng mahigpit dahil ito’y walang pangbibitin, walang halong komersiyal at tuluy tuloy ang kasiyahan at sigawan sa pagpasok ng HATAW, INDAK AT SAYAW, ating nasaksihan ang iba’t ibang talento at kakayahan ng bawat isa sa larangan ng pagsayaw, mga kumpas at galaw na nagaapoy sa bilis at karikitan ng kasuotang kay titingkad na nagbibigay ng samu’t saring kulay sa halimuyak ng malapiyestang pagdiriwang, mga makabagbag damdaming paghataw, indak at sayaw ang namulaklak kasabay ang sarap ng nakabibinging tugtugin sa bawat pitik at kurba ng kanilang mga katawan.
Amoy palang ulam na, ito ang ating naramdaman sa unang pangunahing patimpalak na ginanap sa hardin ng malapiyestang entablado, mga taong nasasabik sa inihandang panghimagas; mga boses na napapaos subalit patuloy na sumisigaw, mga palad na namamaga subalit pilit na pumapalakpak at mga puwetan na hindi mapakali subalit naghahanap ng komportableng upuan, ito’y wala ng atrasan at wala ng urungan mga indibidwal na handa ng mabingi at marindi sa ganda ng pagpagaspas ng mga paru-paro sa bawat notang bibitawan ito ang DALAWAHANG TINIG. Boses ang nagsilbing puhunan sa damdaming gustong kumawala sa rehas ng bilangguan ito ang tinig na hindi nagpapigil sa taas ng biritan sapagkat ito lamang ang paraan upang iparating ang mensahe ng kantang nilalaman, ito ang nagbigay buhay sa siglong pinagdaanan, himnasiyo ng paaralan ay huminto ng hindi namamalayan sa paghawak at kanta sa mikropono mga tao ay natuwa at kinilabutan dahil ito ang tinig ng tunay na makabayan, sa pagtatapos ng bawat kanta ating matatanaw ang ngiti, hiyaw at palakpakan kasabay ng mga bulaklak na patuloy na umuusbong at nagpapakita ng kagandahan, ayw huminto at ayaw tumigil ang mga kulay ng notang lumilipad sa himpapawid; ito’y hinding hindi matatawaran ng sino man.
Mga taong walang bahid ng kalungkutan sa pagsigaw at hiyaw na hindi man lamang pansin ang anumang kapaguran; dumidilim na ang paligid subalit mga kulay at buhay ay naririyan, tugtuging nakabibingi ang maririnig sa apat na sulok ng himnasiyo, mga paru-parong nagkumpulan sa bawat binibini’t ginoo tila bang mayroong isang surpresa ang nabubuo sapagkat sabik na sabik na ang mga tao, sa pagbagsak ng tugtuging etniko mga Maria Clara at Crisostomo Ibarra ang kumukumpleto sa kanilang pagrampa mga tao ay nagugulo parang guguho ang himnasiyo sa bawat palakpak, hiyawan at sigawan ating matatanaw ang bagong siglo ng kagandahan na nakatatak sa nagaguwapuhang lakan at nagagandahang lakambini ng ating paaralan, mga iba’t ibang kasuotan ang ipinagmamalaki, mga tindig at kiya ang daladala, at talinong magpapakaba at gigimbal sa sandaling ibahagi ang kaalamang tatatak at magmamarka sa puso’t isip ng bawat isa. Ito ang pagmamalaki at pagpupugay ng pagiging isang Pilipino, Makabayan hindi lamang sa kulay o pananalita subalit pati narin sa ating puso’t diwa.


Sa huling araw ng Buwan ng Wika; Ika tatlumpu’t isang araw ng Agosto dalawang libo labing anim tayo ay nagiwan ng isang pamana o legasiya sa ating inang bayan, ito ang pagdiriwang ng ating makulay at malapiyestang Buwan ng Wika 2016 na kung saan tatatak at magmamarka sa hindi lamang sa ating isipan kung hindi pati narin sa puso ng bawat isa na kailanma’y hinding hindi mabubura na kahit ano pang parapernaliya ang gamitin dahil ang isang tunay na makabayan ay mananatiling makabayan. Sa paglipas ng mga araw mga bulaklak ay malalanta rin mga buhay ay mawawala rin subalit hindi nagtatapos ang isang pangyayari sa iisang tuldok mayroon paging oras o panahon na ito’y uusbong muli at maghahasik ng panibagong surpresa at pagkakaisa na hindi kukupas kahit lumipas man ang ilang siglo o henerasiyon; ito ang tunay na Makabayan. Ang bulaklak ang nagsilbing galak at instrumento bilang kagandahan sa isang napakahalang pagdiriwang na kahit ito’y malanta asahan mong mayroong panibagonog sisibol at lalagong kagandahan na maaaring ipagmalaki na tatatak at tatagos sa puso ng bawat Pilipino.
-Renzo John Bondoc

No comments:

Post a Comment